Miyerkules, Hulyo 18, 2012

Sariling likhang tula

Ako Bilang Kabataan, Nagpapahalaga sa Disiplina

Ako Bilang Kabataan, Nagpapahalaga sa Disiplina
.
Ako’y naniniwalang disiplina’y kailangan
Upang makatulong sa pag unlad ng bayan
Isang  katangian  na dapat pahalagahan
Katangiang kailangan ng bawat kabataan
                                                                                                                                        
Ang isang tao’y masasabing disiplinado
Kung siya’y marunong magpahalaga ng pagkatao
Hindi kailangang basta matalino
Puso’y buksan para sa pagbabago

Kung  isang tao’y  nawalan ng disiplina
Tiyak kagagalitan , kaiinisan ng iba
Wag nyong hayaan , disiplina’y mawala
Kung ayaw mong ikaw ay mapariwara.

Buhay ay kagalaka’t kalungkutan
Ngunit disiplina sa sarili’y wag kalilimutan
Kahit anong mangyari’y  inyong pahalagahan
Nang sa gayo’y maging maayos , inyong kinabukasan

Sariling likhang Balagtasan

MODERNONG TEKNOLOHIYA O  KALIKASANG PAWALA NA
LAKANDIWA:  Magandang umaga po sa mga panauhin
                          Ako po ang inihalal na sa inyo’y magbibilin
                         Ang lakandiwa na may gustong sambitin
                          Na ang lahat ng bagay sa mundo ay may katapusan din.
    
                            Itong balagtasa’y akin ng binubuksan
                            Nang ang dalwang panig ay magsimulang magtagisan
                            Tagisan ng talino patungkol sa kalikasan
                             Halina kayo’t dito’y magtalastasan

Nena :     Magandang Umaga po sa inyo
                Ako po ang babaeng nagmula pa sa Antipolo
                Nais magbilin sa mga taong matitigas ang ulo
                Na ang kalikasan ay pangalagaan ninyo

                Hindi ba kayo naawa sa ating kalikasan?
                Ang mga ibong malaya, ngayo’y nasa kulungan
                Mga ilog at dagat na may pawang katahimikan
                Hindi nyo ba napapansin, ngayo’y naging tambakan

                Hindi nga baga ito’y dahil
                Sa makabagong teknolohiya
                Makabagong teknolohiya na ngayo’y naninira
                Madalas gamitin at usong-usong
                Sa panahon ngayon, kalikasan’y maaring mawala na

Roy :      Magandang umaga po sa mga panauhin
                Ako po ang lalaking nagmula pa sa Camiguin
                Ngayon ay nasa harap niyo at handang sagutin
                Mga katanungan patungkol sa kalikasan natin

                Aking katunggali , kung hindi mo mamarapatin
                Ang makabagong teknolohiya ay may maitutulong rin
                Nais kong ipahatid na ito’y kasa-kasama rin natin
                Lalong higit , sa pang araw-araw na gawain

Nena :   Oo nga’t ang mga yan ay may naitutulong
                Ngunit ang mga tulong ay saan ba hahantong?
                Pagkasira ng kalikasa’y muli nanamang uusbong
                Modernong teknolohiya, hatid sa tao’y pagkalulong

Roy :      Kung para sa iyo’y, ito’y nagsisilbing droga
                Ngunit para sa akin ito’y isang malaking biyaya
                Biyaya na ang hatid sa tao ay ligaya
                Bawas na sa pagod kapalit ay saya

Lakandiwa : Marahil nararapat ng wakasan
                 Itong inyong tagisan at talastasan
Sapagkat maaaring ito’y walang patunguhan
Lalo’t ang mga tanong ay nabigyang kasagutan

Ngayo’y narinig na ang panig mo Roy at Nena
Napagtanto ko na si Nena ang tama
Kalikasan nati’y nasisira na nga
Dahil sa paggamit ng makabagong teknolohiya.